Sunday, June 19, 2016

Paano Kung...

Ngayong tayo'y malaya na mula sa mga mananakop at diktador na nagdulot ng takot, galit, at kalungkutan sa puso ng ating mga ninuno, tayo'y nadiriwang ng mga kaarawan at piyesta ng ating mga bayani. 

Saktong sa linggong ito'y ipinanganak ang isa sa ating mga pambansang bayani, si Jose P. Rizal. Iginagalang natin siya para sa kaniyang katapangan, kasipagan, at katalinuhan. Dahil sa kaniyang pagmamahal para sa Filipinas, nagsilbi siya bilang isang inspirasyon na ipagtanggol, mahalin, at mamatay para sa ating bansa.


Marami pang ibang mga bayani. Isa na rito si Ninoy Aquino, ang simbolo ng kalayaan para sa mga taong namuhay sa ilalim ng mga Marcos. Ipinaglaban niya ang mga karapatan ng mga mamamayang inaapi ng mga taong dapat na nagbibigay ng proteksiyon sa kanila, at dahil dito'y ipinapatay siya. Matapos manalo ng mga mamamayan sa Rebolusyong EDSA, isinulat ng mga nanalo na bayani si Aquino at isang masamang diktador si Marcos.



Pero, paano kung hindi sila nanalo? Paano kung, sa isang alternatibong realidad, hindi matagumpay ang mga rebolusyong nasimulan nang mamatay si Aquino, o kaya'y hindi nalaman ng COMELEC na nagkaroon ng pandaraya sa mga eleksiyon? Paano kung patuloy na sinuporta ng militar ang diktador na inutos ang pagkamatay ng libo-libo niyang kababayan.

Maaaring sa mga tekstong isinulat nila sa realidad na iyon, isa ito sa mga makikita natin sa ukol sa kasaysayan ng Filipinas:

"Isa sa mga pinakamalubhang insidente para sa ating komunidad na nalutas ng Mahal na Pinuno ay ang Rebolusyong Pula at Dilaw, ang pinakamadugong rebolusyon sa kasaysayan ng Filipinas.

Sa taong 1986, pinamunuan ng pamilyang Aquino ang laban sa pagitan ng mga rebeldeng komunista at ang ating Mahal na Pinunong Ferdinand Marcos, Sr. upang tanggalin mula sa kaniya ang karapatang pamunuan ang ating Inang Bayan. 

Gamit ang iilang mga baril na ninakaw ng mga rebelde mula sa mga pulis at sundalo, binaril at pinatay nila ang limang libong sibilyan at tatlong daang sundalo. Dinakip ng mga rebelde ang iilang mga bata upang gawing prenda para sa limang bilyong dolyar at pagkatanggal ng Mahal na Pinuno mula sa kaniyang puwesto.

Ang mga kalye ng Maynila ay pinalibutan ng mga rebeldeng nais patumbahin ang Dakilang Marcos. Sa kanilang paligid, makikitang sinira nila ang mga bahay ng mga sibilyang ayaw sumali sa kanilang rebolusyon.




Ngunit, bago mawalan ng pag-asa ang ating mga kababayan, inutusan ng Mahal na Marcos na gumalaw na ang militar at tambangan ang mga rebeldeng nagdudulot ng takot at galit sa masa. Nang dumating ang ating mga sundalo, pinamunuan ng Mahal na Marcos ang labanan, at ipinakulong ang mga rebeldeng nahuli, kasama na ang pinuno ng mga rebelde na si Corazon Aquino."

Sa kaalaman natin, hindi ito ang nangyari sa taong 1986. Hindi lumaban sina Cory gamit ang mga baril, kundi ang kanilang pananalig sa Diyos at mga salita ng mga may nais ng pagbabago. Ngunit, sa tekstong ito, sila ang kontrabidang "pumatay" ng libo-libong sibilyan. Kung walang ibang teksto o salita ang mababasa't maririnig mula sa mga biktima ni Marcos, ito ang paniniwalaan ng karamihan.

Ang mga bayani natin ay itinuturing bayani, hindi lamang dahil sa kanilang nagawa, kundi pati na rin sa mga naitala ng mga mamayang kasama ng ating mga bayani. Ika nga nila, "History is written by the victors."

Sanggunian:


Hero. N.d. Brighter Life. 21 Aug. 2013. Web. 19 June 2016.
Jose Rizal Is Not A Hero. N.d. Filipiknow. Web. 19 June 2016.
Ferdinand Marcos, Sr. N.d. Malacanang. Web. 19 June 2016.

Sunday, June 12, 2016

Minsan Nariyan, Minsan Nawawala

"Buti pa si I namimiss si u"



"Every letter signifies an absence."
                                           -Jacques Lacan


 Sabi nga ni ginoong Lacan, ang bawat titik, salita, o imahen ay isinisimbolo ang mga
  nawawala, o kaya'y kung anong hindi naipakikita sa mga mambabasa't nakikinig. Sa imahen nga sa
itaas, ang titik "u" ay ginamit sa halip ng pangalan ng iniirog ng manunulat. Maaaring nagsisimbolo ang isang titik o salita ng isang kaisipan, tao, o bagay na kabaligtaran ng sinasabi ng salita. Kasama na dito ang mga pangungusap na nanunuya. Isang halimbawa nito ang mapanuyang sagot ng ate ko nang itanong ko sa kaniya kung gising pa siya at ang tanging sagot niya ay"Malamang tulog pa ako nga ngayon." Sa sitwasyong ito, gising na siya, ngunit sinasabi niyang tulog pa siya upang manukso.





 "Sa paskil na 'to, nakalagay ang "f" upang ipakita ang pagkawala ng brain cells, o kaya'y pagkawala ng abilidad pansinin ang mga pagkakamali ng manunulat."
         
Kung iisipin, ang salitang "letter" sa Ingles ay naisasalin din bilang "liham". Sa aking pagmumuni ukol sa mga salita ni G. Lacan, napagtantuan ko'ng maaaring may iba pa itong kahulugan. Maaari ring isipin na ang bawat liham na ating isinusulat ay may itinatagong mensahe, o kaya'y mensaheng hindi parating napapansin. Sa bawat liham na ating isinusulat, tayo ay may isang "hidden agenda" na hindi parating nakikita sa isang pagsusuri. Sa isang banda, maaaring may isang malaking kasinungalingan na naisip upang makatakas sa isang sitwasyong ayaw harapin ng manunulat. Ayaw niyang mapagalitan ng kaniyang hepe sa opisina. Ngunit, ang mga simpleng liham ay maaari ring magtago ng mga emosyon o ng pagnanais. Isang simpleng liham o "text message" ng isang torpeng binata para sa kaniyang irog ay nagtatago ng pagmamahal, pagnanais, at kalungkutan. 

"Lagi na lang may hidden meaning. Haist."


Mga Sanggunian:Khiva, Param. I Miss U. Digital image. Whatsapp Status 77. N.p., n.d. Web. 12 June 2016.
Now Firing. Digital image. Pinterest. N.p., n.d. Web. 12 June 2016.
Rosario, Ivyree, and Reginald Abisado. HOPE, Ang Babaeng Paasa. Digital image. Facebook. Little Things PH, 7 June 2016. Web. 12 June 2016.